"Face to Face: Harapan" balik-telebisyon kasama si Ate Koring at mga kabarangay
ni GLEN P. SIBONGA
MAS pinalapit sa puso ng masa ang iconic ‘Barangay Hall on Air’ ng TV5 sa pagbabalik nito bilang "Face to Face: Harapan." Nakasama ng bagong host nito na si Korina Sanchez-Roxas, a.k.a Ate Koring, ang mga residente ng E. Rodriguez, Quezon City sa ginanap na public viewing ng pilot episode ng programa noong November 11 sa barangay court.
Kasama ni Ate Koring sina Donita Nose at ang ‘Harapang Tagapayo’ na sina Atty. Lorna Kapunan, Dr. Camille Garcia, at Bro. Jun Banaag (kilala din bilang Dr. Love) para sa isang masayang panonood kasama ang mga kabarangay. Layunin ng "Face to Face: Harapan" na bigyang-boses ang mga totoong isyu ng mga ordinaryong Pilipino at tulungang maresolba ang mga ito.
Tampok sa unang episode ang mainit na sagupaan ng magkakapitbahay na nag-akusahan ng pangkukulam! Sa kanyang prangka at pantay na pag-aanalisa, ipinakita ni Ate Koring ang kanyang husay sa pag-intindi sa mga usaping mahalaga sa masa.
Aliw na aliw naman ang mga manonood sa mga patawang hirit ni Donita Nose bilang kakampi sa mga nagdedebateng panig, habang si Ate Koring naman ang nagbibigay ng mas malalim na pananaw sa bawat alitan. Talaga namang nakatutulong ito sa mga manonood na tingnan ang bawat isyu mula sa mas bukas na perspektibo.
Sa "Face to Face: Harapan," ipinakita ni Ate Koring ang kanyang tunay na malasakit sa masa, na nagdadala ng mga kwentong may lalim at damdamin. Ipinahayag niya ang kanyang tuwa sa bagong format ng programa at sinagot ang mga tanong ukol sa kanyang branding.
“My brand is masa, ang brand ko talaga ay malapit sa ordinaryong tao—kwentong buhay talaga ang aking forte. Eto at live ko na silang maririnig,” pahayag niya. “Ito naman talaga ang Korina na kilala ng lahat, yung malapit sa ordinaryong tao.”
Nagpapasalamat din si Ate Koring sa magagandang feedback na natatanggap niya para sa matagumpay na pag-ere ng pilot week ng "Face to Face: Harapan" sa TV5.
Panoorin si Ate Koring sa "Face to Face: Harapan" sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, alas-4 ng hapon, bago ang WIL TO WIN, at sa same-day catch-up tuwing alas-9 ng gabi sa One PH.
Comments
Post a Comment