Masculados nakatagpo ng bagong pamilya sa Marikit Artist Management



ni GLEN P. SIBONGA

Nagpapasalamat ang sikat na all male novelty group na Masculados dahil nakatagpo sila ng bagong pamilya sa pagpasok nila sa roster of talents ng Marikit Artist Management na pinamumunuan ng CEO nito na si Joseph Aleta.

Ang Masculados ay binubuo nina Robin Robel, Nico Cordova, David Karell, Enrico Mofar, Richard Yumul, at Orlando Sol. Kabilang sa hit songs ng grupo ay ang Jumbo Hotdog, Nakaka, Lagot Ka, Sana Mama, Macho Papa, at Macho Na Si Santa.

"Sobrang saya po namin. Feeling ko meant to be itong nangyari sa amin sa pagpasok namin dito sa Marikit Artist Management. Maraming nag-aalok sa amin na kunin ang grupo para i-manage at maging manager namin. Pero parang hindi rin namin kasi feel din. Parang naghahanap kami ng mapagkakatiwalaan at parang pamilya. Kasi yung pinanggalingan namin ay talagang pamilya kami. Itong Marikit Artist Management dito namin naramdaman yung talagang parang isang buong pamilya. Kaya sobrang nagpapasalamat kami sa Marikit, kina Mother Jo, Ma'am Yani, Sir Eboy. Maraming salamat po dahil tinanggap niyo ang Masculados ng buong puso," sabi ni Orlando sa launching ng Marikit at talents nito sa Manila Hotel kamakailan.

Ang yumaong premyado at award-winning director na si Maryo J. Delos Reyes ang dating manager ng Masculados. Matapos maulila kay Direk Maryo ay nakatagpo sila ng bagong pamilya sa Marikit Artist Management.

Sa Pebrero ay magdiriwang ng kanilang anibersaryo ang Masculados at mayroon silang sorpresang dapat abangan.
Ayon nga sa isa sa mga pioneer ng grupo na si Robin, "Gusto ko lang pong sabihin sa inyo na sa darating na February magtu-twenty years na po ang grupo naming Masculados. Nagpapasalamat po kami sa Marikit na kinuha po kami. Malaking karangalan po sa amin ito. Sana makita po namin kayong lahat sa aming mini-concert po this coming February. Marami pong salamat!"

Sumabak na rin ulit sa recording ang Masculados para sa kanilang bagong single na ire-release soon.

Endorsers na rin ang Masculados ng Savouge Aesthetics at naganap kamakailan ang kanilang contract signing.

Kasama ng Masculados sa roster of talents ng Marikit Artist Management sina Barbara Miguel, Angelika Santiago, Kyle Ocampo, Charles Angeles, at Jeremy Luis.






Comments

Popular posts from this blog

SB19 humakot ng mga parangal sa 14th at 15th Star Awards for Music

Beautederm CEO Rhea Tan at Blackman family nag-click sa unang pagtatagpo

Nora, Vilma, Sharon, Maricel magsasabong sa 40th Star Awards for Movies