Kakaibang Andrea Brillantes mapapanood sa "Laya;" Wagi ng Best Acting Performance sa Women and the World International Film Festival 2026 sa London
ni GLEN P. SIBONGA
INAMIN ni Andrea Brillantes na ibang-ibang Andrea ang mapapanood ng mga tao sa pinagbibidahan niyang pelikulang "Laya" kasama sina JC Santos at Anthony Jennings.
Aniya pa, malayo sa kanyang sarili sa totoong buhay at maging sa kanyang mga naunang ginampanang roles ang pagganap niya bilang si Sab sa "Laya."
"Wala rito yung pagiging glamorous ni Andrea Brillantes, wala yung bubbly personality ko. Ibang-iba yung role po, iba rin yung pananalita ko. Eto yata yung first time na magmumura ako sa big screen," bulalas ni Andrea sa nakaraang media launch ng "Laya."
Medyo isinikreto rin niya sa kanyang pamilya at mga kaibigan ang tungkol sa pelikula at sa role niya. "Excited nga ako sa magiging reaksyon ng family at friends ko. Kasi hindi ko masyadong nase-share sa kanila kung tungkol saan yung 'Laya.' Gusto kong makita kung ano ang reaksyon nila," sabi ni Andrea.
May nakuha nga ang aktres na feedback sa mga unang nakapanood ng "Laya" kamakailan sa World Premiere nito sa Women and the World International Film Festival 2026 sa London.
Kuwento nga ng aktres, "Maraming mga kababayan ang nanood nung World Premiere tapos naririnig nila na nagmumura ako nang paulit-ulit. Sabi nila, 'Huh? Ang sweet-sweet mo pero ang lutong mo palang magmura!' So, ako parang nahihiya na ako. Pero nakikita ko na hindi talaga nila alam masyado kung ano ang mae-expect nila from me sa film na ito.
"Ayokong mag-set ng expectation. I'm not saying I'm gonna give the best performance here or eto yung greatest performance ko. But it's definitely gonna be different. It's not what you're used to see in me. Yun po!"
Samantala, sa London pa nga lang ay pinatunayan na ni Andrea ang husay niya sa pagganap ng kanyang role bilang si Sab, isang babaeng maghihiganti sa pinaniniwalaan niyang pumatay sa kanyang ama na si Tuki, na ginagampanan ni JC Santos. Kaya naman nanalo siya ng Best Acting Performance sa Women and the World International Film Festival 2026. The more reason na dapat panoorin ito ng mga kababayan natin kapag ipinalabas na ito rito sa Pilipinas.
Written and directed by Sigrid Andrea Bernardo, ang "Laya" ay mapapanood sa mga sinehan nationwide sa Nobyembre 25. Presented and produced by Rein Entertainment.


Comments
Post a Comment