Gov. Vilma Santos-Recto at mga opisyal ng Batangas, inaanyayahan ang buong bansa sa ika-445 anibersaryo ng lalawigan at sa Ala E! Festival 2026
ni GLEN P. SIBONGA
INAANYAYAHAN ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pangunguna ni Gobernador Vilma Santos-Recto ang buong bansa na saksihan at maranasan ang makulay na kultura, mayamang kasaysayan, at mainit na pagtanggap ng mga Batangueño sa gaganaping Ala E! Festival 2026 mula Disyembre 1 hanggang 8, 2026 sa Lungsod ng Batangas.
Bilang pagdiriwang ng ika-445 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas na may temang "All Here. So Near.", pinagbubuklod ng "Mother of All
Festivals" ang lahat ng bayan, lungsod, pinuno, at pribadong sektor sa isang linggong selebrasyon ng pagkakaisa, pananampalataya, at patuloy na pag-unlad.
Pagkilala sa tunay na pagkakakilanlang Batangueño: "ALA E"
Kasabay ng paghahanda sa kapistahan, pormal ding ipinahayag ng Pamahalaang Panlalawigan ang paggamit ng "ALA E" (nang walang letrang "h") bilang opisyal na baybay at pangalan ng pangunahing kultural na pagdiriwang ng lalawigan.
Ayon sa opisyal na pahayag, ang
katagang "e" sa natural na pananalita ng mga Batangueño ay nagtatapos sa malinaw na patinig (vowel sound) at walang tunog ng paghinga (aspirated sound) na idinudulot ng letrang "h". Higit sa pagbabago ng baybay, ang "ALA E" ay isang pagpapatibay sa tunay
na wika, identidad, at pamanang kultural ng bawat Batangueño.
Bago pa ang gaganaping selebrasyon at festival sa Disyembre, noong Nobyembre 18 ay nagsagawa ng press conference na dinaluhan ng ilang mga opisyal ng Batangas na kinabibilangan nina Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, Batangas City Mayor Marvey Mariño, Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) Head Jaida Castillo, Provincial Information Office Head Christina Marie Catalan, Chief of Staff Pedrito Martin Dijan Jr., at Executive Assistant ni Gov. Vi na si Sarah Adolfo. Sinagot nila ang mga katanungan ng press kasama na ang mga opisyal at miyembro ng PMPC Star Awards Inc.
Hindi man nakadalo sa presscon si Gov. Vi dahil siya ay may sakit nagpadala naman siya ng mensahe. "Nandiyan naman ang pamilya ko sa Kapitolyo to treat you well and welcome you. You're all very welcome sa Batangas. Sa mga PMPC, enjoy Batangas and please help me promote naman our tourism project - Ala E! Festival, and it's going to be on December 1 to 8. At the same time, you are all invited. Enjoy Batangas, the food, the people. Thank you and I love you all!" sabi ni Gov. Vi sa kanyang recorded message.
Sa inilabas namang press statement, binigyang-diin ni Gov. Vi na ang kapistahan ay isang bukas na paanyaya sa mga Pilipino at turista na tuklasin ang likas na ganda, masiglang ekonomiya, at ipinagmamalaking lutuin ng lalawigan.
"Batangas is beautiful - our food, our culture, our heritage, and our people. Ang Ala E!
Festival ang ating pagkakataon upang ipagmalaki ang ating pinagmulan, makipag-
ugnayan sa ating mga komunidad, at sumulong bilang isang nagkakaisang lalawigan. Ipagmalaki natin ang kulturang Batangueño!" ani Gov. Vi.
Mga Tampok na Kaganapan at Iskedyul ng Aktibidad sa Ala E! Festival 2026
Sa Lungsod ng Batangas bilang
host city, tampok sa walong araw na selebrasyon ang mga makabuluhang aktibidad para sa lahat:
Disyembre 1 (Martes) - Pormal na Pagbubukas at Kahusayan sa Pamamahala: Magsisimula sa Opening Mass sa Basilica (8:00 AM), Opening Program sa People's
Quadrangle (9:30 AM), at Ribbon-Cutting Ceremony ng Provincial Trade Fair & Food Fest sa Plaza Mabini (10:30 AM) na magtatampok sa mga lokal na produkto, likhang-kamay, at pagkaing Batangueño mula sa iba't ibang bayan at MSMEs. Sa hapon, gaganapin ang MBA-VSR Awards sa Batangas City Convention Center (2:00 PM) upang parangalan ang mga natatanging LGU sa ilalim ng programang HEARTS.
Disyembre 2 (Miyerkules) - Stronger Together (Wellness Day): Isang makasaysayang Unity Walk (5:00 AM) mula Kapitolyo/SM Batangas patungong City Hall na lalahukan ng mga opisyal at kawani ng lalawigan at lungsod, na susundan ng mass, Zumba session (6:30 AM) at libreng serbisyong medikal sa People's Quadrangle (8:00 AM).
Disyembre 3 (Huwebes) - Pananampalataya at Pamana: Tampok ang Fluvial Procession ng Sto. Niño ng Batangan sa Ilog Calumpang (2:30 PM), Parade of Cultural Icons kung saan magsasama-sama ang mga patron ng bawat bayan (4:30 PM), at Concelebrated Mass sa Basilica (7:00 PM).
Disyembre 4 (Biyernes) - Kabataan, Sining at Pribadong Sektor: Masisiglang aktibidad sa SM City Batangas kabilang ang Car Meet (2:00 PM) at Battle of the Bands (7:00 PM).
Disyembre 5 (Sabado) - Sining, Moda at Musika: Gaganapin ang Habing Ibaan Fashion Show sa Batangas City Convention Center (3:00 PM) na magtatampok sa
tradisyunal na habi bilang modernong kasuotan, na susundan ng pagbabalik ng Voices, Songs, and Rhythms (VSR) Battle of the Champions sa Batangas City Hall
Main Stage (6:00 PM) kasama ang mga kilalang hurado.
Disyembre 7 (Lunes) - Kalikasan at Komunidad: Pagsusulong sa pangangalaga ng Ilog Calumpang sa pamamagitan ng "Isang Ilog, Isang Probinsya: Magkakatuwang Tayo" One-Act Play Competition sa Batangas City Convention Center (9:00 AM), at ang Batangas City Employees' Night and Christmas Show sa Plaza Mabini (6:00 PM).
Disyembre 8 (Martes) - Kulminasyon ng Ika-445 Foundation Day: Magtatapos ang pagdiriwang sa makulay na Street Dance Competition mula Kapitolyo patungong Plaza Mabini (6:00 AM) at Court Dance Competition sa Batangas City Coliseum (10:00 AM) na lalahukan ng mga cultural contingents mula sa iba't ibang bayan at lungsod ng Batangas.
Sa lapit nito mula sa Metro Manila at sa yamang kultura at destinasyong handog nito,
bukas ang pintuan ng Batangas para sa lahat. Dahil dito, All Here. So Near.




Comments
Post a Comment