Christian Bables ipinakilala ang mga tagapagmana sa role niyang Barbs sa "Die Beautiful The Musical"
ni GLEN P. SIBONGA
BONGGA ang grand reveal para sa mga gaganap na Barbs sa "Die Beautiful The Musical" dahil mismong ang original actor na gumanap sa role na ito sa pelikulang "Die Beautiful" na si Christian Bables ang mismong nagpakilala sa kanila sa video post ng The IdeaFirst Company.
Ibinigay nga ni Christian ang kanyang basbas sa mga tagapagmana niya sa role na sina Lance Reblando at Chamyto, na mag-a-alternate bilang si Barbs sa "Die Beautiful The Musical" sa ilalim ng produksyon ng IdeaFirst Live.
Sobrang memorable kay Christian ang pagganap niya bilang Barbs. Aniya nga, "Ang hirap bitawan ng role na ito dahil binago niya ang buhay ko. Dahil kay Barbs nakilala niyo si Christian bilang aktor. Dahil kay Barbs, natupad ang pangarap ko."
At syempre dahil kay Barbs ay nanalo si Christian ng maraming acting awards sa iba't ibang award-giving bodies - Best Supporting Actor sa 42nd Metro Manila Film Festival, 40th Gawad Urian, at 35th FAP Luna Awards.
At ngayon nga ay ipinapasa na ni Christian ang korona kina Lance Reblando at Chamyto, na parehong aminadong may pressure dahil nga magaling na aktor si Christian. Malaking karangalan din sa kanila na ibinigay ni Christian ang basbas nito sa kanila.
Ayon pa kina Lance at Chamyto, kinabahan sila noong audition dahil maraming magagaling. Pero inilaban nila talaga at sumakses naman sila pareho.
Bago ang Barbs reveal, nauna nang ipakilala ng The IdeaFirst Company ang mag-a-alternate bilang bidang si Trisha Echevarria sa "Die Beautiful The Musical" - ang drag queens na sina Maxie Andreison at Viñas Deluxe.
Samantala, thankful naman ang isa sa mga boss ng The IdeaFirst Company na si Direk Perci Intalan kay Christian sa effort nito para ipakilala ang bagong Barbs na sina Lance at Chamyto.
Ayon kay Direk Perci, "Thank you Christian Bables for taking the time to personally welcome the new performers who will don the wig and legendary heels of Barbs! Excited for everyone to see just how super-talented Lance Reblando and Chamyto are!"
Ang "Die Beautiful The Musical" ay ididirehe ni Tuxqs Rutaquio. Mapapanood ito live on stage sa June 2027 sa Proscenium Theater sa Makati City.



Comments
Post a Comment