Malolos Mayor Christian Natividad inalala ang pagsabak niya sa action movies noon; Ibabalik ang proyekto niyang Cine Republica short film festival
ni GLEN P. SIBONGA
HINDI lang pala sina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro ang public servants mula sa Bulacan na may konek sa showbiz bilang mga artista. Pati pala si Mayor Christian Natividad ng Malolos City, Bulacan ay nakaranas ding umarte at sumabak pa sa ilang action movies noon.
"Gumawa rin tayo ng pelikula noong araw e. Pero ekstra-ekstra lang. Lumabas ako dati sa 'El Presidente' (ni ER Ejercito) pero ekstra lang ako, parte lang ako ng delegado ganun.
"Yung isang ginawa ko na ipinalabas sa abroad may action scenes ako doon, bumabaril ako. NBI (agent) ang role ko. 'BuyBust' yata ang title nun (movie). Pero hindi yung kay Anne Curtis na movie ha," kuwento ni Mayor Christian nang makausap namin siya ng ilang officers at members ng PMPC Star Awards Inc. kamakailan sa bagong city hall ng Malolos, Bulacan.
Natanong din si Mayor Christian kung papayag ba siyang gawing pelikula ang buhay niya. Sagot niya, pwedeng-pwedeng isapelikula ang makulay niyang buhay. Kung siya ang pipili ng artistang gaganap sa kanya, aprub sa kanya si Jomari Yllana (na kamukha nga niya) o di kaya ay si Joko Diaz.
Pwede niyang maging leading lady si Rhian Ramos, na inamin niyang hinahangaan niyang aktres dahil sa galing nitong umarte.
Likas din kay Mayor Christian ang pagmamahal sa industriya ng pelikula pati sa arts and culture. Patunay nito ang itinatag niyang Cine Republica, kung saan mapapanood ang mga natatanging short films na tumatalakay sa rich culture and heritage ng Malolos, Bulacan. Ang Cine Republica ay bahagi ng taunang selebrasyon ng Fiesta Republica sa Malolos. Nahinto ang naturang short film festival noong panahon ng pandemya. Pero ngayon ay balak na niya itong ibalik.
Samantala, abala sa ngayon si Mayor Christian sa iba't ibang proyekto sa Malolos upang maiangat ang imahe ng lungsod na naapektuhan dahil sa kontrobersiya sa flood control projects. Hindi niya hahayaang matabunan ng naturang kontrobersiya ang maraming magagandang proyektong ginagawa niya at maging ang mga nakaplano pa niyang isagawa.


Comments
Post a Comment