Arnold Reyes dagsa ang mga papuri sa galing umarte sa "Akusada;" Inaabangan na ang mangyayari sa karakter niya sa serye
ni GLEN P. SIBONGA
MASAYANG-MASAYA ang award-winning aktor na si Arnold Reyes dahil talaga namang dumadagsa ang mga papuri para sa kanyang mahusay na pagganap bilang kontrabidang si Dennis sa GMA afternoon prime teleseryeng "Akusada," kasama sina Andrea Torres at Benjamin Alves.
Hindi naman kataka-taka ang pag-ani ng mga papuri ni Arnold dahil noon pa man ay magaling na siyang aktor hindi lang sa telebisyon kundi maging sa pelikula at teatro. Ramdam mo ang pagiging passionate niya sa kanyang craft sa bawat ginagampanan niyang role.
Kaya naman patuloy din siya sa pag-ani ng mga parangal. Last year nga ay nadagdagan pa ito, nang siya ang tanghaling Best Supporting Actor sa Star Awards For Television ng PMPC Star Awards Inc. para sa role niya sa "My Guardian Alien," na pinagbidahan ni Marian Rivera.
Sa galing niya sa "Akusada" siguradong mano-nominate muli siya sa mga award-giving body. At sigurado ring masusundan ng mas marami pang proyekto dahil bukod sa pagiging mahusay na aktor ay very professional at magaling makisama sa mga katrabaho niya si Arnold.
Maging ang netizens ay napabilib at humanga sa kanya:
Ayon nga kay Sonia Santillan, "i love Denis o Arnold Reyes kc kong hindi ka magaling mag acting jan sa Akusada baka cgoro walang kwentang panoorin ang teleserye nayan."
Sabi pa ni Ofelia Diaz Sebio, "Mahal na kita Dennis🤣 naawa ako sayo daming takot at Galit sayo"
Papuri naman ni Inda de Al, "Galing nyong contrabida, parang anghel sa una, sa huli daig nyo pa ang devil😁"
Samantala, sa nalalapit na pagtatapos ng "Akusada" inaabangan na rin kung ano ang mangyayari sa kanyang karakter na si Dennis. Makukulong ba siya o sasapitin din ang kamatayan tulad ng pinatay niyang si Joy (Max Collins)?
Subaybayan ang huling linggo ng "Akusada" mula ngayong Lunes, October 27, hanggang sa Biyernes, October 31, sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng "Cruz vs Cruz."



Comments
Post a Comment