"Song of the Fireflies" sumakses sa pa-tribute sa Loboc Children's Choir; Morissette at cast ang gagaling!
ni GLEN P. SIBONGA
NAG-ENJOY ako sa panonood ng award-winning movie na "Song of the Fireflies" sa special screening nito na ginanap sa Gateway Cineplex Cinema 16 noong June 23. Masasabi kong sumakses ang pelikula sa maganda nitong pa-tribute sa Loboc Children's Choir at sa founder nito na si Alma Taldo.
Ang "Song of the Fireflies" ay tungkol sa naging journey ng Loboc Children's Choir, na binubuo ng mga estudyante edad 9 hanggang 13 sa Loboc, Bohol, mula noong 1980s kung saan sumabak sila sa mga lokal na patimpalak hanggang sa umabot sa national level, na naging daan upang lumaban din sila sa international contests. Kasama nila sa tagumpay ang kanilang guro at trainor na si Ma'am Alma. Sinuportahan sila ng isang cultural advocate sa Bohol na si Equet Butalid.
Napakaganda ng pelikula kaya naman hindi nakapagtatakang nauna na itong sumakses sa ibang bansa kung saan ito unang ipinalabas. Humakot ito ng mga parangal sa 2025 Manila International Film Festival kabilang na ang Best Picture at Special Recognition Award, Best Actress para kay Morisette, Best Supporting Actress kay Rachel Alejandro, at Best Supporting Actor kay Noel Comia Jr. Nanalo rin ang pelikula ng Platinum Remi Award sa WorldFest-Houston International Film Festival.
Napakagaling ni Morissette, na sa kanyang unang pelikula ay nanalo agad ng Best Actress. Napakanatural ni Morissette at bagay na bagay sa kanya ang role bilang si Ma'am Alma.
Meron akong favorite scene na tampok sina Morissette at Noel, na hindi ko na ikukuwento nang buo, pero sa eksenang iyon ay naipakita ni Morissette na si Ma'am Alma ay hindi lang guro at trainer kundi pangalawang ina na masasandalan ng mga estudyante at magbibigay ng comfort sa kanila sa oras ng pagsubok at problema. Promise, naiyak ako sa eksenang iyon na sinamahan pa ng mahusay ng pag-awit ni Morissette.
Napakahusay rin nina Rachel at Noel kaya naman nagka-award din sila. Pero ang gagaling din ng iba pang kasama sa cast na sina Krystal Brimner, Chai Fonacier, Via Antonio, Cai Cortez, Tommy Alejandrino, Alex Medina, at syempre ang Loboc Children's Choir.
Napakaganda ng mga awitin at musikang tampok sa pelikula, e likha ba naman nina National Artist Ryan Cayabyab, Louie Ocampo, Raimund Marasigan, Jazz Nicolas, at Krina Cayabyab.
Nagtagumpay ang "Song of the Fireflies" hindi lang sa pagbibigay ng kasiyahan kundi sa pagtampok sa kulturang Pinoy at pagbubunyi para sa isa sa mga pride ng Pilipinas, ang Loboc Children's Choir na simbolo ng talentong Pinoy, katatagan at pagtupad ng mga pangarap. Kasama na rin ang pagpapamalas ng ganda ng kalikasan ng Loboc, Bohol sa pangunguna ng pamosong Loboc River. Ang bongga ng cinematography.
Sana kung sumakses ang "Song of the Fireflies" sa ibang bansa ay maranasan din nitong sumakses dito sa ating bansa at tangkilikin ito ng mga Pilipino.
Ang movie ay produced by Culturtain Musicat Productions with MQuest Ventures, in cooperation with Quezon City Film Development Commission, CMB Film Services, and Hartman Communications.
Directed by King Palisoc, ang "Song of the Fireflies" ay mapapanood na sa mga sinehan nationwide simula sa June 25, 2025.
Comments
Post a Comment