Special screening ng Nora Aunor tribute movie na "Faney" dinagsa ng celebrities at Noranians
ni GLEN P. SIBONGA
NAIMBITAHAN ang showbizbongga sa special screening ng "Faney," ang tribute movie para sa yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor o Ate Guy, na ginanap sa Gateway 2 Cinema 11 sa mismong kaarawan ni Ate Guy nitong May 21.
Kaya naman nasaksihan namin ang pagdagsa ng celebrities at Noranians para suportahan ang tribute movie na ito para kay Nora at para ipakita rin ang respeto ar pagmamahal nila sa nag-iisang Superstar.
Nanguna sa pag-alala kay Ate Guy sa espesyal na pagdiriwang na ito ang writer at direktor ng "Faney" na si Adolf Alix Jr., kasama ang producers ng pelikula na sina RS Francisco at Sam Verzosa ng Frontrow International with their co-producers mula sa Intele Builders, Noble Wolf, at AQ Films.
Special guests ng gabing iyon ang dumalong mga anak ni Ate Guy na sina Ian de Leon (na may special participation sa pelikula) at Kenneth.
Present din sa special screening ang cast ng "Faney" na sina Gina Alajar (na nag-alay pa ng mahabang tula para kay Ate Guy), Althea Ablan, Bembol Roco, at PPop group na Bilib. Hindi nakarating ang bida ng pelikula na si Laurice Guillen pero represented naman siya ng anak niyang si Ina Feleo.
Sumuporta rin sa event ang ilan sa mga artistang nakatrabaho ni Ate Guy gaya nina Martin Escudero, Jeric Gonzales, at Martin del Rosario.
Syempre dumalo rin ang ilang Noranians na may special appearance sa "Faney" kasama nila ang maraming grupo ng fans at supporters ni Ate Guy.
Nagustuhan namin ang "Faney" considering na nalaman pa naming apat na araw lang ang shooting nito at inamin pa nilang wala itong script. Ipinapakita lang nito ang kahusayan at propesyunalismo ng mga tauhan sa produksyon gayundin ang mga artista.
Hindi matatawaran ang husay sa pagganap ng mga batikang artistang sina Laurice, Gina, at Bembol. Bongga ang ipinamalas na akting ni Laurice rito bilang si Lola Bona, na masugid na fan ni Nora. Sobrang lungkot niya nang mabalitaan ang pagkamatay ng kanyang idolo kaya labis ang kagustuhan niyang pumunta sa burol. Pero ayaw siyang payagan ng kanyang anak na si Babette (Gina), na bukod sa inaalala ang kundisyon at kalusugan ng ina ay mayroon palang kinikimkim na hinanakit sa kanyang ina at maging kay Nora. O di ba, doon pa lang may conflict na?
Kinumbinsi naman ni Lola Bona ang apo niya na si Bea (Althea) na samahan siya sa burol. Nakaka-relate si Bea sa pagiging faney ni Lola Bona, dahil maging siya ay may mga iniidolong KPop at PPop groups at artists. Hanggang sa maraming nalaman si Bea tungkol kay Ate Guy sa pagsama niya sa kanyang Lola Bona kasama pa ang mga kwento ng ibang Noranians.
Revelation dito si Althea, na among the cast ay hindi nakilala ng personal at nakatrabaho si Ate Guy, pero ang dami niyang natututunan tungkol kay Ate Guy bilang isang artista at bilang isang tao, na babaunin niya sa kanyang alaala.
Gayundin ang galing nina Perla Bautista at Roderick Paulate, na bagama't ilang eksena lang ay markadong-markado naman ang naging pagganap bilang isang balikbayang Noranian matapos maging OFW, na handang ipagtanggol ang kanyang idolong si Ate Guy.
Napakagandang tribute ang "Faney" hindi lang para kay Ate Guy kundi pati sa maraming Noranians na patuloy na minamahal at sinusuportahan si Nora kahit pa yumao na ang Superstar.
Samantala, iaanunsiyo na lang ng produksyon ang date ng theatrical release ng "Faney" sa Pilipinas. Pinaghahandaan din nila na mailahok ang pelikula sa iba't ibang international film festivals.
Comments
Post a Comment