“Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” wagi sa 38th PMPC Star Awards for TV; May Season 4 ba?
ni GLEN P. SIBONGA
PINATUNAYAN ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na panalo ito sa puso ng Pinoy matapos magwaging Best Mini Series sa 38th PMPC Star Awards for Television noong Linggo, Marso 23, sa Dolphy Theater.
Tuwang-tuwa si action star-lawmaker Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr., na gumaganap bilang si Tolome, sa panibagong karangalang iginawad sa kanilang serye.
“Grabe! Sobrang nakakataba ng puso! Mula umpisa hanggang dulo, ibinuhos namin ang lahat para mabigyan kayo ng isang palabas na hindi lang puno ng aksyon at tawanan, kundi aral at lalim din.
"Nagpapasalamat kami sa PMPC sa pagkilalang ito, sa aming production team, at higit sa lahat, sa mga manonood na walang sawang sumuporta,” pahayag ng mambabatas.
Kahit tapos na ang Season 3 ng show, hindi pa rin kumukupas ang kasikatan nito. Pinag-usapan ito dahil sa kakaibang timpla ng aksyon, tawanan, at kurot sa puso.
Kasama ni Sen. Bong sa tagumpay na ito sina Beauty Gonzalez, Niño Muhlach, Dennis Padilla, at iba pang mahuhusay na artista.
Si Beauty ang tumanggap ng parangal para sa kanilang show sa awards night.
Usap-usapan ngayon kung magkakaroon ba ng Season 4 ang "Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis!"
Hindi pa ito kinukumpirma ni Sen. Bong, pero marami na ang nag-aabang – babalik kaya si Tolome sa telebisyon?
Abangan!
Comments
Post a Comment