Ivana Alawi house guest sa PBB Celebrity Collab; Bagong teleserye at pelikula excited na rin niyang gawin
ni GLEN P. SIBONGA
NALANTAD na ang "big surprise" ng sikat na vlogger at aktres na si Ivana Alawi nang pumasok siya sa Bahay ni Kuya bilang special house guest sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition sa pilot episode nito noong Linggo, Marso 9.
Ilang araw kasi bago pumasok sa PBB House si Ivana ay nag-organisa pa siya ng Thanksgiving Party para sa entertainment press at bloggers noong Marso 7 sa Vinta Modern Carinderia, katulong ang kanyang management team sa PPL Entertainment at Star Magic.
Dito nga ay isinawalat ni Ivana na mayroon siyang malaking sorpresa at pasabog para sa lahat. Iyon pala ay ang pagiging house guest niya sa bagong edisyon ng PBB kung saan magsasama-sama bilang housemates ang mga celebrity mula sa Star Magic at Sparkle GMA Artist Center.
Sa pilot episode ng PBB Celebrity Collab edition ay napanood ang pagpasok ni Ivana sa confession room na naka-blindfold at nakasuot ng raincoat. Hanggang sa ihudyat na ni Big Brother na tanggalin na niya ang kanyang cover at malugod siyang binati at winelcome ni Kuya sa PBB House.
Bilang house guest, si Ivana ay binigyan ni Big Brother ng task na dapat makumbinsi niya ang ibang celebrity housemates na kabilang siya sa kanila na housemate rin.
Kaya naman tulad ng celebrity housemates ay binigyan rin siya ng monicker na "Ang Phenomenal Content Queen ng Quezon City."
Sa kanyang pansamantalang pananatili sa PBB House, bibigyan niya ng regalo ang tatlong celebrity housemates.
Matapang namang tinanggap ni Ivana ang hamon ni Big Brother.
Mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition sa GMA mula Lunes hanggang Biyernes, 10PM, at Sabado hanggang Linggo, 6:15PM. Mapapanood din ito sa Kapuso Stream, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, at iWantTFC.
Samantala, bukod sa kanyang PBB stint, excited na rin si Ivana sa kanyang gagawing teleserye at pelikula ngayong taon.
Aniya, regalo niya ang mga ito para sa kanyang fans at supporters kaya dapat nila itong abangan. Pati na rin ang iba pang mga proyekto at endorsements na kanyang ire-reveal.
Comments
Post a Comment