Rhian Ramos magpapatikim ng cookie niya sa Bakery Fair 2025; FCBAI officers ibinahagi ang updates sa event
ni GLEN P. SIBONGA
KINUMPIRMA mismo ng Presidente ng Filipino-Chinese Bakery Association, Inc. (FCBAI) na si Christopher Ah ang espesyal na partisipasyon ng Kapuso actress na si Rhian Ramos sa gaganaping Bakery Fair 2025 sa March 6-8 sa World Trade Center. Dagdag pa ni Sir Christopher, dadalo rin sa event ang aktor na si Marvin Agustin.
Ayon sa FCBAI President, tinanggap na ni Rhian ang kanilang imbitasyon. Masaya rin niyang ibinalita na hindi lang basta pupunta ang aktres sa Bakery Fair 2025 kundi magkakaroon pa ito ng demo session sa pagbe-bake ng frozen "bãs bake" cookies sa unang araw ng event sa March 6.
"Si Ms. Rhian Ramos, na sabi ko nga the sexiest baker, sumagot na sa imbitasyon natin. Pinaunlakan ang ating imbitasyon.
"Bakit si Rhian? Kasi si Rhian sa social media ay magaling na influencer in promoting eating and living a healthy lifestyle.
"We're very excited. Magbe-bake siya ng cookies on the first day," sabi ni Sir Christopher sa grand presscon ng Bakery Fair 2025 na ginanap noong February 26 sa Oriental Palace restaurant.
Nakasama ni Sir Christopher sa presscon ang iba pang officers ng FCBAI na sina 1st Vice President Christopher Ong, 2nd Vice President Jerry Midel, at Executive Vice President Wilson Lee Flores pati na rin ang mga kasapi ng board of directors.
Ipinagmalaki rin ni Sir Christopher na si Rhian ang kauna-unahang naka-schedule na magdemo na gagamit sa 360 degrees rotating stage. Mapapanood ang demo ni Rhian sa ganap na 11:30AM sa unang araw ng Bakery Fair 2025 sa March 6.
Dagdag pa ni Sir Christopher, kumpirmado na rin ang pagdalo sa Bakery Fair 2025 ng actor-chef-businessman na si Marvin Agustin. "Dadalhin niya ang kanyang buong team to explore the bakery world," ayon pa sa FCBAI President.
Samantala, nitong February 27, nagkataon namang nag-presscon si Rhian para sa bago niyang iho-host na lifestyle at travel show sa GMA - ang "Where In Manila."
Kaya natanong namin si Rhian tungkol sa Bakery Fair 2025 at masaya niyang sinabi na, "I'm very excited to do the demo at the same time maipatikim sa lahat ang cookies ko. Kaya nga nag-usap kami ng team ko na mag-pre-baked na kami ng cookies para mas marami ang makatikim," ani Rhian.
Flattered naman siya na matawag na sexiest baker. Biro nga niya inihahanda na raw niya ang kanyang two-piece o di kaya sexy shorts na susuotin sa demo. Syempre hindi naman niya gagawin yun.
Bukod kay Rhian, marami pang local at international chefs at bakers ang magde-demo sa three-day event kabilang na rin ang sikat na celebrity chef na si Boy Logro.
Ang tema ng Bakery Fair 2025 ay Rise & Shine: Baking At Dawn.
Magkakaroon din ng baking competitions kung saan malalaking mga papremyo ang naghihintay sa mga mananalo sa Bakers Cup 2025 gaya ng P150,000 cash para sa 1st place winner ng Grand Regal Tiers Wedding Cake Display Competition at Trip to Korea para sa 1st place winner ng American Croissant Challenge. Ilan pa sa exciting competitions ay ang Flour Masters: Bread Baking Competition, The Cake Illusion: Hyper-Realistic Cake Art Competition, Donut Dash, Cake My Day, at World Water Day Cake Decorating Competition.
Bukas sa publiko ang Bakery Fair 2025. Para sa information at updates tungkol sa Bakery Fair 2025 puntahan lang at i-follow ang social media accounts ng FCBAI.
Comments
Post a Comment