Bong Revilla balik-pelikula sa Alyas Pogi 4

ni GLEN P. SIBONGA


Excited na si Sen. Bong Revilla sa kanyang pagbabalik sa paggawa ng pelikula sa bago niyang proyektong "Alyas Pogi 4" kaya naman tutok siya sa pagwo-workout at pagpapakundisyon ng katawan para sa pagsabak niya sa mga maaaksyong eksena.

"Super excited kaya nga busy ako sa pagwo-workout at pagpapakundisyon kasi syempre di ba nakita niyo si Alyas Pogi before kung gaano siya katikas. 

"Syempre kung pwede ko pang ma-surpass yung ginawa ko before... kaya mas matindi yung aksyon, mas matindi yung makikita nila.

"May anak na si Pogi rito, isang babae, isang lalaki. Abangan niyo kung sino yun. Yung mga makakasama ko, matitindi at malalaking mga artista," salaysay ni Bong.

Ang unang "Alyas Pogi" ay ipinalabas noong 1990. Nasundan ito noong 1992, at ang pinakahuli ay noong 1999.

Bakit ang "Alyas Pogi 4" ang napili niya para sa kanyang pagbabalik-pelikula?

"Kasi naipangako ko na ito noon pa e. May teaser na nga ito noon. Kaya lang hindi ko nagawa. Kaya ngayon itutuloy ko na ito. Pero gusto namin i-level up yung aksyon. Gusto ko lahat ng ipinangako ko ma-accomplish ko," aniya.

Ayaw pang sabihin ni Bong kung sino ang magiging leading lady niya dahil aniya magkakaroon ito ng hiwalay na announcement.

Samantala, natanong namin siya kung balak ba niya itong ipasok bilang entry sa Metro Manila Film Festival 2024 na kung sakali ay pagbabalik din niya sa taunang filmfest tuwing Disyembre.

"We'll see. Pero most likely baka. Ayoko namang sabihing magiging part na siya ng filmfest. Syempre dadaan pa ng proseso. Tignan natin, pero isa-submit na rin namin," pahayag ni Bong.


Comments

Popular posts from this blog

SB19 humakot ng mga parangal sa 14th at 15th Star Awards for Music

Beautederm CEO Rhea Tan at Blackman family nag-click sa unang pagtatagpo

Nora, Vilma, Sharon, Maricel magsasabong sa 40th Star Awards for Movies