Jodi, Richard, Gabbi, at Joshua unbreakable ang bond sa nalalapit na finale ng "Unbreak My Heart"


ni GLEN P. SIBONGA

Umaapaw ang pagmamahal kina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, Gabbi Garcia, at Joshua Garcia sa set ng “Unbreak My Heart” kung saan inaabangan na ang nalalapit na finale ng makasaysayang teleserye na kauna-unahang kolaborasyon ng GMA Network at ABS-CBN Corporation. 

Gabi-gabing tinututukan ng mga manonood ang makapigil-hiningang mga rebelasyon sa serye kung saan todo papuri ang netizens sa angking talento ng buong cast. Partikular na rito ang tinatagong madilim na nakaraan ni Renz (Joshua), ang hinanakit na dala-dala ng mag-inang Rose (Jodi) at Alex (Gabbi), at ang hirap na pinagdadaanan ni Matt (Richard) para lang maprotektahan ang mga mahal niya sa buhay. 

Sa isang video plug na inilabas online, ibinahagi ng mga bida ng serye ang kanilang “unbreakable moments” sa set at ang taos-puso nilang pasasalamat na maging parte ng unang co-production series ng GMA at ABS-CBN. 

“It’s really the relationships na na-forge habang nagtatrabaho. Also, ‘yung camaraderie ng mga tao,” sabi ni Jodi. 

Para naman kay Richard, “‘Yung confrontation scenes with Rose kasi this is really something new for both of us. Alam niyo naman, most of our shows before puro pa-tweetums, pa-cute, but this time it was really something different.”

Ayon kay Joshua, bukod sa off-cam bonding, marami rin silang aral na napulot sa isa’t isa tuwing eksena. “‘Yung bonding bilang magkaibigan, bilang co-actors na madadala pa namin sa mga susunod pa naming project. Malalim din ‘yung pinagsamahan namin,” saad ng aktor. 

Pagbabahagi naman ni Gabbi, “‘Yung bond na nabuo sa lahat-lahat, ‘yung production, the staff, the crew, the cast members. Priceless ‘yun, hindi mo siya mapupulot kahit saan.”

Sa pagpapatuloy ng “Unbreak My Heart” sa mga susunod na linggo, desperado pa rin si Rose na makuha ang kapatawaran ni Alex, lalong-lalo na dahil nagluluksa ito sa pagkalaglag ng dinadalang baby nila ni Renz. Sa kabila ng mga pagsubok, handa naman magtulungan nina Rose at ang ex-husband niyang si Matt para malayo na sa kapahamakan si Alex. 

Nagsilbing most watched series sa Viu Philippines ang “Unbreak My Heart” nang ipinalabas ito noong Mayo. Napapanood ang “Unbreak My Heart” sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies ng 9:35 PM, 11:25 PM sa GTV, at pwede rin itong i-stream ng 48 oras bago ipalabas sa telebisyon sa GMANetwork.com, iWantTFC, at Viu. Available rin ang serye sa GMA Pinoy TV at TFC.






Comments

Popular posts from this blog

SB19 humakot ng mga parangal sa 14th at 15th Star Awards for Music

Beautederm CEO Rhea Tan at Blackman family nag-click sa unang pagtatagpo

Nora, Vilma, Sharon, Maricel magsasabong sa 40th Star Awards for Movies