Sylvia, Ria, Lorna sanib-pwersa sa pagpapalabas sa Pilipinas ng Japanese movie na 'Monster'
ni GLEN P. SIBONGA
Nagsama-sama at nagsanib-pwersa sina Sylvia Sanchez, Ria Atayde, at Lorna Tolentino sa kauna-unahang pagkakataon para sa nalalapit na showing sa Pilipinas sa Oktubre 11 ng internationally acclaimed Japanese movie na "Monster."
Nagsimula ang partnership nina Sylvia at Ria ng Nathan Studios at ni Lorna noong nakaraang summer nang sama-sama silang bumiyahe sa Cannes Film Festival sa France para sa espesyal na screening ng "Topakk" na pinagbibidahan ni Arjo Atayde at idinirek ni Richard V. Somes.
Maliban sa screening ng "Topakk" sa Cannes, dito rin nagsosyo ang Nathan Studios at si Lorna sa pagbili ng mga pelikulang kanilang ire-release for theatrical showing dito sa Pilipinas.
Sa ilamin ng direksyon ng nirerespeto at multi-awarded direktor na si Hirokazu Kore-eda, tampok sa "Monster" ang mahuhusay na Japanese actors gaya nina Sakura Andō, Eita Nagayama, Sōya Kurokawa, Hinata Hiiragi, at Yūko Tanaka.
Umiikot ang istorya ng "Monster" sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at sinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.
“Kakaiba itong pelikulang ito,” ayon kay Sylvia na kilala para sa kanyang powerful performances bilang isang ina sa pelikula at telebisyon. “Mahilig akong manood ng pelikula at sa dinami-dami ng aking napanood, isa itong 'Monster' na talaga namang dumurog nang todo sa puso ko bilang isang ina.”
Ayon naman kay Ria, na tumatayo bilang President and CEO ng Nathan Studios, isa ang "Monster" sa mga uri ng pelikula na angkop sa personalidad at mission-vision ng kanilang kumpanya. “We are really aspiring and working very hard to offer cutting edge content that would challenge the minds and touch the hearts of viewers,” sabi ni Ria.
Karapat-dapat ding banggitin na ang Nathan Studios ang nasa liood ng mga dekalidad na proyekto gaya ng "Cattleya Killer" na mapapanood ngayon sa streaming platform na Amazon Prime Video; at ang "Topakk" na isang action-thriller genre film na kasalukuyang umiikot sa mga prestihiyosong international film festivals sa iba’t ibang panig ng mundo gaya sa Switzerland, Japan, at Amerika.
Para kay Lorna, na tinaguriang Grand Slam Queen ng Pilipinas, mahalaga at napapanahon ang mensahe ng "Monster." Aniya, “Dapat talagang ma-address natin ang laban sa bullying at ang pagpapalaganap ng malusog na pag-iisip para sa lahat ng tao, bata man o matanda.”
Aminado ang tatlong premyadong aktres na malaki ang naging epekto sa kanila ng "Monster" sapagkat talagang pinukaw at dinurog ng pelikulang ito ang kanilang mga puso.
“Isa na ito sa pinakamagandang mga pelikula na napanood ko. Mapapaisip ka talaga kung sino ba talaga ang Monster,” paglalarawan ni Sylvia sa "Monster" na lumaban para sa Palm d’Or sa katatapos lamang na 76th Cannes Film Festival. Dito din pinarangalan ang pelikula ng Best Screenplay award.
Bilang mga magulang at ina, nagkakaisa sina Sylvia at Lorna na karapat-dapat panoorin ng bawat Pilipino ang "Monster" dahil sa mga aral ng buhay na kanilang matutunan dito gaya ng pagmamahal sa anak at pagpapahalaga sa pamilya.
Para naman kay Ria, may matinding kurot sa puso ang "Monster" para sa kanya bilang isang anak na may sariling mga pangarap at minimithi sa buhay. “Iba ang pagmamahalan ng isang ina at ng kanyang anak. Malalim ito at napakasakit kung ito ay mawawasak,” paliwanag ni Ria.
Nagkakaisa rin ang tatlong aktres na major shocker ang ending ng pelikula matapos nitong yanigin ang buong mundo sa husay ng storytelling at acting na mapapanood dito.
Ipalalabas ang "Monster" sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa sa darating na Oktubre 11 at kasalukuyang naghahanda ang Nathan Studios kasama ang isa pa nitong partner — ang 888 Films International — para sa isang red carpet special screening na dadaluhan ng mga bigating industry personalities gaya ng mga direktor, mga artista, press at online influencers, at mga kritiko ng pelikula.
Para sa karagdagang impormasyon at exciting news updates ukol sa "Monster" at sa ibang pang mga proyekto ng Nathan Studios, sundan ang @nathan.studios sa Instagram at i-like ang Nathan Studios Inc. sa Facebook.
Comments
Post a Comment