Quinn Carrillo flattered sa mga papuri sa kanya nina Ai Ai delas Alas at Direk Louie Ignacio sa pelikulang 'Litrato'


ni GLEN P. SIBONGA

Kinilig at aminadong flattered si Quinn Carrillo matapos niyang marinig ang mga papuri sa kanya nina Ai Ai delas Alas at Direk Louie Ignacio, na co-star at direktor niya sa pelikulang "Litrato" produced by 3:16 Media Network.

Gumaganap sina Quinn at Ai Ai bilang maglola sa pelikula. Sabihan ba naman siya ng Comedy Queen na "magaling na bata," habang si Direk Louie naman ay sinabing "pinabilib ako ni Quinn at talagang nakipagsabayan siya kay Ai Ai."

"Very happy po ako and very flattered," bulalas ni Quinn. "Hindi ko po ine-expect na sasabihin ni Ms. Ai at ni Direk Louie iyon sa akin. Kasi ako naman talaga ever since I got into the business, ginagawa ko po talaga lagi ang best ko. Gusto ko po kasi na ma-satisfy ang director ko sa vision niya sa character ko. Kaya po talagang we communicate kung ano gagawin ko."

Nag-enjoy Quinn na katrabaho si Ai Ai at marami siyang natutunan dito.

"Masaya po at saka challenging at the same time. Siyempre na-tense rin ako sa umpisa kasi syempre si Ms. Ai Ai iyan, Comedy Queen iyan. Tapos may mga part po na comedy talaga at ang hilig niyang mag-adlib. So, you have to be alert and on your feet all the time na alam mo yung gagawin mo, alam mo yung isasagot mo sa kanya. So, nandu'n yung tensyon na, 'Kaya ko 'to!'

"Ang saya lang po kasi hindi po siya yung nananapak ng co-artist. Talagang tutulungan ka po niya," pagmamalaki pa ni Quinn kay Ai Ai.

Nagkasundo naman agad si Quinn at Direk Louie lalo na nga't pareho silang writer. Bilang artista naman ay nagpapasalamat si Quinn kay Direk Louie dahil talagang inalalayan siya nito sa mga eksena.

"Nandun yung pagpu-push niya na maibigay mo pa talaga yung best mo. Minsan kasi hindi mo agad nakikita na may ibubuga ka pa. Si Direk yung nagsasabi na, 'kaya mo pa!' Kaya sobrang thankful ako na naibigay ko yung gusto ni Direk at na-push niya ako to do better," ani Quinn.

Bukod kina Ai Ai at Quinn, kasama rin sa cast ng "Litrato" sina Ara Mina, Liza Lorena, Bodjie Pascua, Duane David, Weam Ahmed, at marami pang iba.

Directed by Louie Ignacio and produced by 3:16 Media Network, ang "Litrato" ay ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula sa July 26, 2023.





Comments

Popular posts from this blog

SB19 humakot ng mga parangal sa 14th at 15th Star Awards for Music

Beautederm CEO Rhea Tan at Blackman family nag-click sa unang pagtatagpo

Nora, Vilma, Sharon, Maricel magsasabong sa 40th Star Awards for Movies