Concert ni Bruno Mars sa Philippine Arena dinagdagan ng isang araw; Pinoy fans inaasahang dadagsa sa June 24-25
ni GLEN P. SIBONGA
Kasunod ng matagumpay na 120,000-strong Summer Blast 2023 crowd attendance, ang two-day concert naman ni Filipino-American multiple Grammy winner Bruno Mars ang inaabangang event sa Philippine Arena.
Sa kabila nga ng ga-higanteng 55,000 capacity ng world's largest indoor arena, kinailangan pang magdagdag ng isang araw ng concert para makapanood ang mas maraming tagahanga ng international singer.
Ang naunang inianunsyo na June 24 concert ay masusundan kaagad ng isa pa, sa June 25, dahil na rin sa 'overwhelming demand' para sa tickets. Ganyan karami ang Pinoy fans na nagmamahal sa Fil-Am singer.
Proud naman si Bruno Mars sa kaniyang Filipino roots. Puerto Rican ang kaniyang ama at Pinay naman ang kaniyang ina bagaman isinilang siya sa Hawaii. Sa isang interview noon, sinabi nitong chicken adobo ang paborito niyang pagkaing Pinoy. Matatandaan namang nagpadala ito ng $100,000 na tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda pagkatapos ng 2014 concert nito sa Pilipinas.
Nakilala si Bruno Mars sa mga kantang "Billionaire," "Just the Way You Are," "Treasure," "Leave the Door Open," "When I Was Your Man," at marami pang iba. Hinangaan siya ng marami dahil sa kaniyang galing sa paggawa ng musika, pagtatanghal at pagiging mapagmahal sa fans.
Isa lamang siya sa malalaking artists na nakalinyang magtanghal sa Philippine Arena ngayong taon.
Hitik sa international concerts ang Philippine Arena dahil sa dobleng laki ng venue kumpara sa mga nakasanayang indoor concert venues sa bansa. Maliban sa mas marami ang nakapapanood, mismong mga artists ang naaaliw sa mas malakas, mas maingay at mas energetic na crowd na sumasabay sa kanilang pagkanta at pagsayaw.
Tila nagsisilbi ring barometro ang Philippine Arena sa katanyagan ng international artists sa bansa. Talaga namang tinangkilik ang nakaraang concerts ng SEVENTEEN, BLACKPINK at ni Harry Styles. Sa ulat ng local media, SEVENTEEN ang kauna-unahang K-Pop group na nakapuno ng Philippine Arena. 'Full force' naman ang BLINKs o fans ng BLACKPINK sa two-day concert ng grupo.
Lalo pa ngang pinagaganda ng organizers ang concert experience sa Philippine Arena. Panibagong sistema ng traffic flow management ang ipinatutupad habang sinisiguro rin ang transportasyon ng mga gustong makapunta sa venue para manood.
Kaya inaasahang magiging masaya at makabuluhan ang pagtatanghal ni Bruno Mars sa Philippine Arena. Mas malaking venue at mas maraming fans ang makapapanood sa ating kababayang singer na nakilala sa buong mundo dahil sa kaniyang husay sa larangan ng musika.
Para sa tickets at iba pang katanungan, bisitahin ang https://www.livenation.ph/
Comments
Post a Comment