The Kingdom: Pasabog ang twist at revelations sa story; Bossing Vic at Piolo nagpamalas ng husay

ni GLEN P. SIBONGA


NAPANOOD ko na ang "The Kingdom," isa sa official entries sa Metro Manila Film Festival 2024, sa ginanap na special screening sa Director's Club ng SM Megamall nitong Lunes, Disyembre 16.

Kaya naman tuwang-tuwa ako dahil isa ito sa mga inaabangan kong pelikula sa MMFF 2024. In fairness, nauna pa kami sa mga artista at sa karamihan na mapanood ito nang buong-buo.

Mahilig ako sa mga istorya ng royalties gaya ng "Game of Thrones" at "House of the Dragon" kaya na-enjoy namin ang panonood ng "The Kingdom" lalo na nga't ang premise ng story ay what if kung hindi nasakop ng ibang lahi ang Pilipinas.

Kabilang sa nagustuhan ko sa "The Kingdom" ay ang pasabog na twist at revelations sa story. Pero syempre ayokong maging spoiler kaya hindi ko muna ire-reveal kung ano ang mga mangyayari para naman abangan niyo at panoorin ang movie. Ang masasabi ko lang ikagugulat niyo ang unexpected revelations. Dahil nga rito ay hindi boring ang movie at lalo niyong tututukan ang panonood.

Pinabilib ako ng mga bida ng "The Kingdom" na sina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual dahil sa husay nila sa pagganap sa kanilang roles.

Nanibago ako kay Bossing Vic dahil nasanay ako na comedy ang kadalasang entries niya sa MMFF. Pero rito sa "The Kingdom" napangatawanan niya ang pagganap sa serious role bilang hari at pinuno na si Lakan Makisig. Ang galing ni Bossing Vic!

Ang galing din ni Piolo Pascual na gumaganap bilang si Sulo, isang itinatwang magsasaka. Given na ang galing ni Papa P sa drama, pero bumilib ako sa husay niya sa action at fight scenes niya sa movie. Ibang Piolo talaga ang mapapanood niyo rito!

Siyempre hindi rin pahuhuli sa husay sa pag-arte ang iba pang cast ng "The Kingdom" na kinabibilangan nina Cristine Reyes, Sid Lucero, Sue Ramirez, Ruby Ruiz, Zion Cruz, Art Acuña, Giovanni Baldisseri, Archi Adamos, at Nico Antonio

May special participation si Iza Calzado sa movie na talagang markado. Parang napanood ko ulit si Amihan ng "Encantadia."

Maging si MMFF 2023 Best Actor na si Cedrick Juan ay may markadong appearance din sa movie, na malaking kinalaman sa katauhan nina Bossing Vic at Piolo.

Panalo rin maging ang technical at production side dahil pawang award-winning ang mga namahala sa cinematography, production design, sound, editing at iba pa.

Napakahusay ng direksyon ni Mike Tuviera para mabuo ang pelikulang ito.

Kaya naman huwag niyong palalampasin ang "The Kingdom" na ipalalabas na sa mga sinehan nationwide simula sa Pasko, December 25, bilang bahagi ng MMFF 2024. Worth it itong panoorin at hindi sayang ang pera niyo!

Produced by MQuest Ventures Inc, M-ZET TV Productions, and APT Entertainment Inc, ang "The Kingdom" ay Rated PG ng MTRCB.



Comments

Popular posts from this blog

SB19 humakot ng mga parangal sa 14th at 15th Star Awards for Music

Beautederm CEO Rhea Tan at Blackman family nag-click sa unang pagtatagpo

Nora, Vilma, Sharon, Maricel magsasabong sa 40th Star Awards for Movies