Repakol band excited na sa kanilang Tropa US Tour
ni GLEN P. SIBONGA
Excited na ang bandang Repakol dahil malapit na ang kanilang Tropa US Tour na magaganap sa mga buwan ng Abril, Mayo, at Hunyo.
"Nakaka-excite kasi marami na naman kaming mapapasaya na mga kababayan natin sa iba't ibang panig ng Amerika. At saka pati yung international audience ay mapapasaya rin namin," sabi ni Noel Palomo, dating frontman ng Siakol na ngayon ay vocalist na ng Repakol.
Ayon naman kay Miniong Cervantes, dati ring Siakol member na ngayon ay lead guitarist ng Repakol, "Todo na ang paghahanda namin dahil gusto naming bigyan ng memorable show ang mga manonood. Bukod sa tugtugan ng banda, dapat ding abangan ang collaboration namin sa ibang artists."
Syempre pasok sa lineup ng mga kakantahin nila ang kanilang hit songs sa Siakol kabilang na ang "Lakas Tama," "Peksman," "Bakit Ba?," at "Hindi Mo Ba Alam."
Bukod kina Noel at Miniong, kabilang din sa Repakol sina Alvin Palomo (guitar), Wilbert Jimenez (guitar), Raz Itum (bass guitar), at Zach Alcasid (drums).
Handog ng Edren Entertainment LLC, ang Repakol Tropa US Tour ay mapapanood sa Rams Head Live sa Baltimore, Maryland (April 20); 58 Manor sa Woodside, New York (April 26); Port 'N Starboard Ocean Front Banquet Center sa New London, Connecticut (April 28); UR Coliseum sa Walkertown, North Carolina (May 11); Buko Resto-bar sa Virginia Beach, Virginia (May 18); Patio Theater sa Chicago, Illinois (May 24); at Fox Theatre sa Redwood City, California (June 15).
Makakasama ng Repakol sa Fox Theatre show sina Paul Sapiera ng Rockstar/Arkasia, Melody Del Mundo ng Sugar Hiccup/The Mellow Dees Band, Wolf Gemora ng Wolfgang/Lokomotiv, at Robin Nievera na anak nina Martin Nievera at Pops Fernandez.
Iaanunsiyo rin nila ang scheduled tour dates sa Los Angeles at Hawaii.
Samantala, bukod sa success ng kanilang US Tour, wish din nina Noel at Miniong na madesisyunan na ang legal issue sa pagitan nila ng mga dating kabanda sa Siakol upang tuluyan na nilang maangkin ang legal rights sa pangalan ng banda at copyright sa kanilang mga kanta.
Comments
Post a Comment