ABS-CBN itinanghal na Digital Media Network of the Year sa 2024 Platinum Stallion National Media Awards
ni GLEN P. SIBONGA
Humakot ang ABS-CBN, ang nangungunang content provider ng bansa, ng sampung parangal, kabilang ang Digital Media Network of the Year award, sa 2024 Platinum Stallion National Media Awards na ibinigay ng Trinity University of Asia noong Pebrero 15 (Huwebes).
Bukod sa prestihiyosong parangal na ito, ilang Kapamilya artists, shows at pelikula din ang kinilala ng mga estudyante at guro mula sa Trinitian community.
Nasungkit ng “Senior High” actors na sina Elijah Canlas at Miggy Jimenez ang Best Primetime Drama Actor at Best Primetime Supporting Actor awards, ayon sa pagkakasunod, habang nanalo naman si Jennica Garcia bilang Best Primetime Supporting Actress para sa hit Kapamilya series na “Dirty Linen.”
Samantala, nagwagi rin ang tatlong shows ng ABS-CBN na “FPJ’s Batang Quiapo” bilang Socially Relevant TV Series, “It’s Showtime” bilang Best Variety Show, at “Magandang Buhay” bilang Celebrity Talk Show of the Year.
Pinasalamatan ng mga awardee ang namayapang Dreamscape head na si Deo Endrinal sa kanilang mga acceptance speech.
“Noong lumabas ang cast trailer namin sa Dirty Linen, lahat ng kasama ko roon award winning actors and actresses. Ang sabi ko pa po kay Christian Bables noon 'Parang nahihiya ako kasi ako yung walang award, hindi ata ako bagay rito' tapos ang sabi niya po sa akin maniwala lang daw po ako kay Sir Deo. Sir Deo, hindi ko man po kayo kasama na ngayon dito sa lupa bilang boss ko, sana maging anghel po namin kayo dyan sa langit,” ibinahagi ni Jennica.
“Kasabay ng selebrasyon ng aming first year anniversary, ibinibigay namin ang aming taos pusong pasasalamat sa pagtangkilik at suporta niyo sa palabas namin. Also, I would like to dedicate this award sa yumao naming boss na si Mr. Deo Endrinal, sobra ang pagpapasalamat namin sa kanya,” sabi ni Cherry Pie Picache na tumanggap ng parangal para sa “FPJ’s Batang Quiapo.”
Panalo naman ang “Rewind,” ang highest grossing Filipino film of all time, bilang Best Drama Movie of the Year, habang nagwagi ang lead actress nitong si Marian Rivera ng Best Film Actress award.
Bukod pa rito, nakuha ni Jan Erik Miras ng Star Magic ang Trinitian Media Practitioner for Entertainment Media award.
Pinaparangalan ng Platinum Stallion National Media Awards ang mga indibidwal at grupo sa kanilang pagsisikap sa pagbibigay edukasyon sa mga manonood sa pamamagitan ng media at allied arts. Pinagbobotohan ng mga mag-aaral, alumni, guro, staff, at stakeholder ng paaralan ang mga nanalo.
Comments
Post a Comment