"Senior High" pasabog ang mga rebelasyon sa "The Ender To Remember" finale
ni GLEN P. SIBONGA
Mabubulgar na ang lahat ng mga sikreto sa Kapamilya teleseryeng “Senior High,” na tumabo na ng mahigit sa dalawang bilyong views sa TikTok, sa paglabas ng katotohanan sa pagpatay kay Luna (Andrea Brillantes) sa inaabangang “The Ender to Remember” finale sa Enero 19.
Pagkatapos ng matinding imbestigasyon, malalaman na rin sa wakas ni Sky (Andrea) mula kay Obet (Kyle Echarri) kung sino nga ba talaga ang pumatay sa kambal niyang si Luna.
Iigting naman lalo ang mga puso para makuha ang pagmamahal ni Sky dahil pag-aagawan siya nina Obet at Gino (Juan Karlos), ang dating mga nobyo ni Luna. Pero hindi lang sila ang magpapakilig sa viewers dahil itutuloy ni Archie (Elijah Canlas) ang panliligaw niya kay Roxy (Xyriel Manabat), habang may posibilidad ding magkabalikan sina Tim at Poch (Zaijian Jaranilla at Miggy Jimenez).
Dapat ding abangan ng mga manonood ang sunod-sunod na pasabog sa serye dahil tuluyan nang magwawala si Z (Daniela Stranner) sa Northford prom night dahil sa mga bangungot niya kay Luna. Maglalabasan na rin ang lahat ng mga baho nina Harry at William (Baron Geisler at Mon Confiado) na maaaring magdulot ng mas malaking sigalot sa pagitan ng kani-kanilang mga pamilya.
Patuloy na kinakapitan ng mga manonood ang mas tumitinding mga rebelasyon sa “Senior High” matapos makakuha ng all-time high na 179,305 live concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube noong Enero 3 na episode.
Huwag palampasin ang “The Ender To Remember” finale ng “Senior High” sa Enero 19 ng 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Senior High.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.
Comments
Post a Comment