PAO Chief Atty. Persida R. Acosta tumayong inducting officer ng mga bagong halal na PMPC officers
ni GLEN P. SIBONGA
Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng The Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC) kay Public Attorney's Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda Acosta na tumayong inducting officer sa oath taking at induction na ginanap nitong Huwebes, Enero 25, sa Peng Lai Finest Chinese Cuisine restaurant sa Times St., Quezon City.
Nanguna sa oath taking ang bagong Pangulo ng PMPC na si Rodel Fernando kasama ang iba pang opisyal na kinabibilangan nina Jimi Escala (Secretary), Mildred Bacud (Assistant Secretary), Boy Romero (Treasurer), Lourdes Fabian (Assistant Treasurer), John Fontanilla (Auditor), at Glen Sibonga (Public Relations Officer).
Kasama ring nanumpa ang Board Members na binubuo nina Joe Barrameda, Roldan Castro, Fernan de Guzman, Mell Navarro, Rommel Placente, at Francis Simeon.
Hindi nakadalo sa oath taking ang Vice President na si Eric Borromeo at isa pang PRO na si Leony Garcia.
Naging saksi naman sa oath taking ang mga miyembro ng PMPC.
Sa kanyang speech nagpasalamat si Atty. Acosta sa suportang patuloy na ibinibigay ng PMPC sa kanya at sa PAO sa maraming mga taon.
"Dalawang dekada na pong partner ng PAO ang PMPC, isang non-government institution, NGO. Sila ang nagpapadalisay at nagpapatanyag ng mga artista, mga mang-aawit, mga entertainer natin.
"Maraming salamat po PMPC sa inyong pagbibigay ng pagkakataon sa akin na maging inducting officer, kumbaga sa akin kayo manunumpa para magampanan niyo ang inyong mga tungkulin ng buong katapatan at giting. Marami pong salamat!" sabi ni Atty. Acosta.
May dagdag pang mensahe at paalala si Atty. Acosta para sa PMPC.
"Ang akin pong pahayag para sa PMPC officers and members, ipagpatuloy niyo po ang inyong magandang layunin sapagkat kayo po ang nagpapasigla ng ating entertainment industry.
"Siyempre nang ang mga kababayan natin ay hindi ma-depress at hindi mag-isip ng kung ano kundi malibang. Lalo na ang ating mga kabataan ngayon kailangan po ng may napaglilibangan na kapaki-pakinabang sa kanilang kaluluwa, sa kanilang puso at isip," ayon pa kay Atty. Acosta
Ang PMPC ang namamahala at nag-oorganisa ng taunang Star Awards for Movies, Television, at Music.
Comments
Post a Comment