LA Santos nagpapasalamat sa paggabay nina Maricel, Roderick at Direk FM sa "In His Mother's Eyes"
ni GLEN P. SIBONGA
Puring-puri ng mga nakapanood ng trailer ng pelikulang "In His Mother's Eyes" ang aktor na si LA Santos sa pagganap niya bilang special child at maging ang co-actors niya ay sinasabing rebelasyon ang pag-arte niya sa pelikula.
Kaya naman si LA ay masayang-masaya at puno ng pasasalamat sa lahat ng mga pumupuri sa kanya. Espesyal naman ang pasasalamat niya sa kanyang mga kasamahan at katrabaho sa pelikula sa paggabay sa kanya lalong-lalo na sina Maricel Soriano, Roderick Paulate, at ng direktor nilang si FM Reyes.
"Thank you, thank you 1,000 times, iyan po ang masasabi ko sa kanila. Syempre gusto kong pasalamatan yung mga naging supportive sa akin, of course, sina Tita Maricel, Tito Roderick, at syempre yung direktor ko po si Direk FM Reyes. Hindi po nila ako pinabayaan.
"Kaya po kayo nagagalingan sa akin kasi ginabayan po nila akong lahat. Nakinig lang po ako, tapos sila na po, inilabas po nila yung galing ko," pahayag ni LA nang makausap namin siya sa mediacon ng "In His Mother's Eyes" na ginanap sa Oriental Palace restaurant sa Tomas Morato, Quezon City nitong Nobyembre 16.
Bukod sa paggabay ng kanyang co-actors at direktor, inamin din ni LA na pinaghandaan niya talaga ang role niya bilang si Tim, na isang special child.
"Unang-unang ginawa ko po ay nirespeto ko po yung mga taong special po. Hindi ko po kinalimutan na mahalin sila at syempre unahin sila dahil para sa kanila itong ginagawa ko po.
"Kaya ang ginawa ko po , nag-research po akong mabuti. Nakipag-usap po ako sa mga mommy na may anak na special po. Kaya gusto ko pong pasalamatan yung Best Buddies Foundation dahil sila po yung tumulong sa akin para mas ma-research ko yung character ko po.
"At saka nakilala ko po si Clarence, na isang special kid po na eksakto po para kay Tim. Sinamahan ko lang po siya. Pinakinggan ko yung kuwento ng buhay niya po. At saka na-amaze po ako kasi iba yung puso nila, grabe po yung pag-emphatize nila sa mga tao.
"Na-amaze lang din po ako kasi pag sinabing nasa spectrum, hindi iisa lang e. Parang it's a very, very wide spectrum po. Kumbaga, bawat special kid po ay iba-iba, special sila in their own ways po.
"Buong puso po akong nagpapasalamat sa movie na ito kasi gusto kong mabigyan ng justice yung mga special na tao po dito sa Pilipinas at gusto ko pong maintindihan po ng mga tao yung pinagdadaanan po nila," paliwanag ni LA.
Bukod kina LA, Maricel at Roderick, kabilang din sa cast ng "In His Mother's Eyes" sina Maila Gumila, Ogie Diaz, Ruby Ruiz, Vivoree, Elyson de Dios, Reign Parani, Bong Gonzales, Inah Evans at iba pa.
Produced by 7K Entertainment, ang "In His Mother's Eyes" ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa Nobyembre 29, 2023.
Comments
Post a Comment