"It's Your Lucky Day" pansamantalang papalit sa "It's Showtime" simula sa Oktubre 14
ni GLEN P. SIBONGA
Naglabas ng official statement ang ABS-CBN kaugnay sa pansamantalang pagpalit ng bagong game variety show na “It’s Your Lucky Day” sa "It's Showtime" simula sa Sabado, Oktubre 14, matapos patawan ng 12-day suspension ang huli ng MTRCB.
Ayon sa statement ng ABS-CBN, "Ang pinakabagong game variety show ng Pilipinas na 'It’s Your Lucky Day' ang pansamantalang papalit sa 'It’s Showtime' at pangungunahan ito ng Pambansang Host na si Luis Manzano kasama sina Robi Domingo, Jennica Garcia, at Melai Cantiveros. Makakasama rin nila ang iba pang special co-hosts at celebrity guests.
"Mula sa bumubuo ng 'It’s Showtime,' ang 'It’s Your Lucky Day' ay magtatampok ng bagong game at variety segments at ipapalabas tuwing tanghali mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 27, Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV. Mapapanood rin ito sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
"Inaanyayahan namin ang mga manonood na patuluyin ang swerte sa kanilang mga tahanan at makisaya kasama ang buong pamilya sa 'It’s Your Lucky Day.'"
Base sa teaser ng “It’s Your Lucky Day” makakasama rin nina Luis, Robi, Melai, at Jennica sina Andrea Brillantes, Kyle Echarri, Francine Diaz, Seth Fedelin, Long Mejia, Negi, Petite, Divine Tetay, at iba pang special co-hosts at surprise guests.
Matatandaang nagdesisyon ang ABS-CBN na huwag nang iapela kay Pangulong Bongbong Marcos ang ipinataw na 12-day suspension ng MTRCB sa "It's Showtime." Kaya kaagad din silang bumuo ng bagong programa na hahalili pansamantala rito.
"Pagkatapos ng masusing pag-aaral, nagdesisyon ang ABS-CBN na hindi na iapela sa Office of the President ang desisyon ng MTRCB hinggil sa 'It’s Showtime' at sa halip ay sasailalim sa 12-araw na suspensyon ang programa simula Oktubre 14.
"Iginagalang namin ang awtoridad ng MTRCB, ngunit naniniwala kami na walang nangyaring paglabag ang 'It’s Showtime' sa anumang batas.
"Lubos kaming nagpapasalamat sa mga manonood sa kanilang patuloy na pagmamahal at suporta sa 'It’s Showtime,' na babalik sa ere sa Oktubre 28 na mas pinalakas at pinaganda.
"Maraming salamat, Madlang People!" saad ng statement ng ABS-CBN.
Comments
Post a Comment