"It's Showtime" hindi na mapapanood sa TV5 sa July 1; Eere na sa GTV Channel ng GMA
ni GLEN P. SIBONGA
Naglabas ng official statement ang ABS-CBN kaugnay ng Kapamilya noontime show na "It's Showtime" kung saan nakasaad dito na simula sa July 1 ay hindi na ito mapapanood sa TV5 pero nakahanap naman ito ng bagong kapartner sa pag-ere ng show sa GTV channel ng GMA Network.
Ayon sa official statement ng ABS-CBN, "Taos-pusong nagpapasalamat ang ABS-CBN kay TV5 Chairman Manny Pangilinan para sa kanyang pagsuporta sa ABS-CBN at sa paghahatid ng 'It’s Showtime' sa mas maraming manonood sa pamamagitan ng aming content partnership.
"Dahil sa bagong programming ng TV5, ikinalulungkot naming ibalita na hindi na mapapanood ang 'It’s Showtime' sa TV5 simula 1 July 2023.
"Sa loob ng labing-apat na taon, walang patid na saya ang hatid ng 'It’s Showtime' sa Madlang People sa loob at labas ng bansa. Pinahahalagahan namin ang magandang samahan na nabuo namin sa mga manonood tuwing tanghali. Dahil dito, minabuti naming tanggihan ang 4:30 pm time slot na inalok ng TV5 para sa programa.
Tinitiyak namin sa mga manonood ng 'It’s Showtime' na patuloy nilang mapapanood ang kanilang paboritong noontime show sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC mula Lunes hanggang Sabado ng 12 ng tanghali.
"Lubos ang aming pasasalamat sa GTV Channel ng GMA at nakahanap ng isa pang tahanan ang 'It's Showtime.' Simula 1 July 2023, mapapanood na rin ang 'It's Showtime' sa GTV mula Lunes hanggang Sabado ng 12 ng tanghali. G na G na tayo, Madlang People!
"Maraming, maraming salamat sa mga manonood na nagmamahal at sumusuporta sa “It’s Showtime” at sana ay patuloy kayong mapasaya ng aming programa."
Comments
Post a Comment