Direk Benedict Mique confident na kakabugin ng tambalang GinRi ng 'Monday First Screening' ang mas batang loveteams


ni GLEN P. SIBONGA

Nakatuwaan nina Gina Alajar at Ricky Davao na tawaging GinRi loveteam ang kanilang tambalan sa pelikulang "Monday First Screening" directed by Benedict Mique and produced by NET25 Films.

Natanong kasi sila sa presscon ng movie kung ano ang itatawag nila sa kanilang loveteam. Game namang sinagot ni Ricky na, "GinRi (short for Gina and Ricky)"

Natawa si Gina noong una at pabiro pang pinalo si Ricky pero pumayag na rin siya kalaunan.

Si Direk Benedict naman ay confident sa kanyang sagot nang matanong kung kayang kabugin ng tambalang GinRi ang ibang mas batang loveteams.

"Seriously speaking, it's a challenge na maipakita yung love sa pagitan ng senior citizens na ginagampanan ng ating dalawang bida. Pero with the whole cast especially with Direk Gina and Direk Ricky, masasagot ang tanong niyo," sabi ni Direk Benedict.

Nagpapasalamat nga kina Gina at Ricky si Direk Benedict pati na rin sina Ma'am Wilma Galvante at Sir Caesar Vallejos ng NET25 Films na tinanggap ng dalawang beteranong artista at direktor ang pelikula dahil perfect sa kanila ang roles ng mga bidang senior citizens.

In fairness kay Direk Benedict, tama ang sinabi niya dahil hindi ko ine-expect na kikiligin ako sa panonood ng dalawang senior citizens na nabigyan ng pagkakataong magmahal muli. 

Kabilang ako sa maraming nanood ng all access premiere ng "Monday First Screening" na ginanap sa EVM Convention Center, Central Avenue, Quezon City noong Hunyo 12. Talagang nag-enjoy ako sa panonood. Nariyang may pagkakataong kinilig ako, tumawa, lumuha sa mga eksena.

Napakahusay ng pagkasulat ng istorya at pagdirehe ni Direk Benedict. Isama pa ang magaling na pagganap ng buong cast lalo na nina Gina at Ricky. Bentang-benta sa akin ang ligawan scenes kasama na ang pickup lines ni Ricky kay Gina.

Ang pelikula, na tinaguriang "senior citizen rom-com," ay nakasentro sa kwento ng dalawang senior citizens na may namuong pagmamahalan mula sa panonood ng mga libreng pelikula sa unang screening tuwing Lunes gaya ng ginagawa ng marami sa ilang mall sa Metro Manila.

Mas makikilala ng mga manonood si Lydia, ang karakter ni Gina, na isang retiradong high school principal na sumasama sa grupo ng mga senior citizen gaya niya para manood ng sine sa mall. Dito magkakakilala ang mga karakter nina Gina at Ricky.

Ayaw naming i-spoil ang mga eksena kaya panoorin niyo na lang ang "Monday First Screening" - a must-watch heartwarming movie.

Matutunghayan rin sa pelikula ang mga award-winning actor na sina Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Che Ramos, Ian Ignacio, at David Shouder, kasama ang umuusbong na loveteam na dapat abangan - Allen Abrenica at Reign Parani.

Ang "Monday First Screening" ang first movie project ng NET25 Films. Habang patuloy na lumalawak at nagtatagumpay ang NET25 sa larangan ng telebisyon, tinatawid na rin ng network ang pagbuo ng mga pelikulang tiyak na kagigiliwan ng mga Pilipino.

Ang premiere ng "Monday First Screening" ay sa pakikipagtulungan ng loyal at mababait na sponsors: Regent Food Corporation, EW Villa Medica, Kafreshness, Huawei, Hypoair Snowflake Air Purifier, Life Extension Philippines, ADM Catering Services, Jamila Aesthetic, Spectrum Disinfect & Pest Control Services, Kings Empire Corporation, Salem, Go Shi Herbal Coffee, Brew Buddy Ph, Reinoldmax, H2O Company, The Nextperience Group, Memo Plus Gold, and Mr. Gil Granado.




Comments

Popular posts from this blog

SB19 humakot ng mga parangal sa 14th at 15th Star Awards for Music

Beautederm CEO Rhea Tan at Blackman family nag-click sa unang pagtatagpo

Nora, Vilma, Sharon, Maricel magsasabong sa 40th Star Awards for Movies