Lumantad na! Vicente Jao III - singer ng Rey Valera songs sa pelikulang 'Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko'
ni GLEN P. SIBONGA
Nagkaroon na ng mukha ang boses sa likod ng mga Rey Valera songs sa Summer Metro Manila Film Festival movie na "Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera) sa paglantad ng singer at RJA Productions talent na si Vicente Jao III.
Ipinakilala nga si Vicente sa entertainment press at bloggers sa ginanap na special block screening ng naturang pelikula sponsored by RJA Productions sa The Screening Room ng Ortigas Cinemas sa Estancia Mall, Pasig City nitong Abril 27.
Present din sa screening at sumuporta kay Vicente si RJA Productions CEO Rosabella Jao Arribas at RJA co-artists na sina Alisah Bonaobra, Julius Cawaling, at Jep Gabon.
Nang makausap namin si Vicente, inamin niya ang kanyang naramdaman habang pinapanood ang pelikula at naririnig niya ang kanyang boses sa mga awiting nakapaloob dito.
"Parang maiiyak na po ako kanina sa bawat pasok po ng kanta. Tapos yung mga eksena nakakaiyak din. Parang hindi pa rin po ako makapaniwala na ako yung kumanta roon. Hindi po ako makapaniwala na nagawa ko siya," bulalas ni Vicente.
Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi siya ipinakilala bilang singer ng Rey Valera songs during promotion at showing ng Summer MMFF movie na idinirehe ni Joven Tan sa ilalim ng produksyon ng Saranggola Media Productions.
"In-explain naman po sa amin ni Direk Joven Tan na hindi pa po pwedeng i-reveal yung singer unless naipalabas na po yung movie sa cinemas. So, iyon po kaya parang hindi na rin siya naging big deal sa amin and naging understanding na lang din po kami ng RJA Productions," paglilinaw ni Vicente.
Inamin din ni Vicente na isa sa kanyang music idols ang OPM Icon na si Rey Valera kaya malaking karangalan para sa kanya na mapili para kumanta sa movie. At wish din niya na sana ay ma-meet niya in person si Rey.
Ngayong lumantad na si Vicente, plano nila ng RJA Productions na i-launch na rin ang kanyang music career.
"Nakapag-record na po ako ng original song ko po na ako rin ang nagsulat. Plano po namin i-release ito this coming May. Kaya sana po abangan niyo at tangkilikin," ani Vicente.
Okay lang na sa una ay mai-connect siya kay Rey Valera at gawing inspirasyon ang OPM Icon dahil nga sa pagkanta niya sa pelikula. Pero syempre gusto ni Vicente na makagawa rin ng sarili niyang pangalan sa music industry.
Comments
Post a Comment