RK Bagatsing excited sa Summer MMFF; Na-intimidate nang makaharap si Rey Valera
ni GLEN P. SIBONGA
Excited na si RK Bagatsing sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival na magaganap sa Abril 8-18 dahil ang pinagbibidahan niyang pelikulang "Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera)" ay kabilang sa official entries ng filmfest. Idagdag pa na ito ang una niyang MMFF entry.
"Sobrang excited kasi matagal ko na ring pangarap magkaroon ng pelikula sa Metro Manila Film Festival pero di ko pa naaabot yun. So, this is also a first for me. Kaya nung nalaman ko na kasama kami sa lineup sabi ko kaagad, 'Uy, makakasakay na ako sa float!'" natatawang pahayag ni RK.
Gumaganap si RK sa "Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko" bilang ang OPM Living Legend na si Rey Valera. Ikinuwento nga ni RK sa amin na na-intimidate siya sa music icon nang makaharap na niya ito.
"May private screening kami, nandun siya. Para sa kanya talaga yung private screening na yun, pero syempre kailangan na rin naming magkita. Coming in hindi ko maitago yung kaba ko. Sinabi ko nga sa kanya, hindi ko masabi yung kailangan kong sabihin kasi nai-intimidate ako. Kasi legend yun e, eto yung pino-portray ko, kaharap ko na. May mga sinasabi siya sa akin pero hindi pumapasok sa akin. And then eventually nung matapos yung pelikula nakita kong ngumiti siya. Actually, while watching tumitingin siya sa amin, gumaganun siya (thumbs up). So, unti-unti nawala yung kaba namin," salaysay ni RK.
Nagpapasalamat naman si RK sa direktor ng pelikula na si Joven Tan dahil sa paggabay sa kanya sa mga eksena.
"The best si Direk Joven! Napakabait and very collaborative. Binigyan niya rin ako ng freedom para sa atake ko sa eksena. I love to work with him again and again," papuri ni RK sa direktor na isa ring award winning composer.
Thankful din si RK sa suporta ng bigating mga artista na pumayag lumabas sa pelikula na kinabibilangan nina Christopher de Leon, Gelli de Belen, Ariel Rivera, Rosanna Roces, Aljur Abrenica, Rico Barrera, Josh de Guzman, Lotlot de Leon, Jenine Desiderio, Meg Imperial, Ronnie Lazaro, Gian Magdangal, Carlo Mendoza, Ara Mina, Arlene Muhlach, Pekto Nacua, Eric Nicolas, Dennis Padilla, Epy Quizon, Arman Reyes, Ricky Rivero, Lloyd Samartino, Shira Tweg, Lou Veloso, at Gardo Versoza.
Produced by Saranggola Media Productions, ang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera)” ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa Abril 8 bilang bahagi ng Summer MMFF.
Comments
Post a Comment