Ai Ai delas Alas at Quinn Carrillo bongga ang acting sa 'Litrato'; Pinaiyak mga nanood sa movie premiere
ni GLEN P. SIBONGA
Nagpamalas ng kanilang husay sa pag-arte sina Ai Ai delas Alas at Quinn Carrillo sa pinagbibidahan nilang pelikulang "Litrato," na nagkaroon ng movie premiere nitong Biyernes, July 21, sa SM North The Block Cinema 3.
Pinaiyak nga nila at ng buong cast ng 'Litrato" na kinabibilangan nina Ara Mina, Liza Lorena, Bodjie Pascua, Duane David, at Weam Ahmed ang mga nanood sa movie premiere.
Marami ang nagkomento na sa galing nina Ai Ai at Quinn sa pagganap bilang maglola sa pelikula ay deserve nilang ma-nominate para sa acting awards sa iba't ibang award-giving bodies.
Another award-winning performance nga ito para kay Ai Ai dahil malaking hamon para sa kanya ang pagganap bilang si Lola Edna, na iniwan sa home for the aged. Bitbit pa rin ni Ai Ai ang pagiging Comedy Queen niya dahil marami pa ring nakatutuwa at nakaaaliw siyang mga eksena. Pero lumabas din ang husay niya sa drama sa maraming eksena.
Si Quinn naman kakapanalo lang bilang New Movie Actress of the Year para sa "Silab" sa 38th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC), heto ay may panibago na naman siyang panlaban sa pagganap niya bilang si Angel sa "Litrato." Bumilib nga kami kay Quinn sa kanyang bonggang monologue sa movie.
Ayaw naming spoil ang ibang detalye sa mga karakter nina Ai Ai at Quinn, dahil iyon ang kabilang sa mga dahilan kaya dapat niyong panoorin ang pelikula.
Mahusay ang pagkakadirehe ni Direk Louie Ignacio at kapuri-puri ang screenplay na isinulat niya katuwang si Ralston Jover.
Maganda rin ang cinematography lalo na sa mga eksenang nasa barko. Ang ganda pati ng theme song ng pelikula na "Para Sa 'Yo, Inay" na isinulat ni Direk Louie at inawit ni Duane David ay bumagay talaga sa istorya.
Maraming elemento sa pelikula na siguradong magugustuhan ng mga manonood. Hindi sayang ang ibabayad sa panonood ng "Litrato" dahil maraming mga aral na mapupulot sa pelikula.
Directed by Louie Ignacio and produced by 3:16 Media Network, ang "Litrato" ay ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula sa July 26, 2023.
Comments
Post a Comment