Direk Jun Lana bumilib kina Romnick, Elijah sa 'About Us But Not About Us': 'They gave me so many magical moments during the shoot!'
ni GLEN P. SIBONGA
Puno ng papuri at bumilib si Direk Jun Robles Lana sa ipinakitang husay sa pagganap nina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas sa pelikulang "About Us But Not About Us," na isa sa official entries sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival sa Abril.
"I have two great actors. They gave me so many magical moments during the shoot. Yung mga galing sa kanila, kailan magpu-pause, kailan luluha. Lahat ng ibinigay nila sa akin na-capture ko. It's really a collaboration. And you know, kahit anong gawin kong preparation bilang direktor, kung hindi magaling yung mga artista ko, hindi tatayo yung pelikula. I'm just truly grateful that I was working with two brilliant actors," papuri ni Direk Jun kina Romnick at Elijah.
Kung si Elijah ay maraming beses nang nakatrabaho ni Direk Jun bilang direktor at producer sa mga proyekto ng The IdeaFirst Company gaya na lang sa award-winning movie na "Kalel, 15," kung saan nanalo ring Best Actor si Elijah, si Romnick naman ay matagal na noong huling makatrabaho ng premyadong direktor. Kaya masaya si Direk Jun na muli silang nagkatrabaho ni Romnick sa "About Us But Not About Us."
"I've worked with Romnick before when I was starting out in the industry. I have this one project that was shot in Singapore, it's a co-production with a Singaporean outfit. I remember Romnick kasi parang light lang yung material na yun e. Pero I remember yung... you know when you worked with an actor you see the humanity in the performance, you see the sincerity just how authentic the performance is kahit na light lang. Pero nag-i-stand out kasi nararamdaman mo yung performance. Nase-sense ko agad yun sa isang artista and that stayed with me.
"I've always wanted to work with Romnick, hindi lang dumadating yung tamang project. And then nung dumating ito, isa talaga siya sa naisip ko. And I reached out to people. Excited din ako to work with him. And so nung pumayag siya, tapos nag-reading kami, I was really honored," lahad ni Direk Jun.
Ginagampanan ni Romnick ang gay teacher na si Eric, habang estudyante naman niya si Elijah bilang si Lancelot. Sa kanilang muling pagkikita mari-reveal ang maraming bagay at sikreto tungkol sa kanilang dalawa gayundin sa yumaong karelasyon ni Eric na si Marcus.
Napanood na namin ang "About Us But Not About Us" sa special screening nito sa Gateway Cinema 8 nitong Marso 14. At maging kami ay bumilib sa galing sa pagganap nina Romnick at Elijah na parehong mayroong dual roles. Ang galing-galing nila, promise! Sana nga ay pareho silang manalo ng Best Actor award.
Napakahusay ng pagkakasulat ng script at direksyon ng pelikula ni Direk Jun na hindi mo aakalaing papasok ang elemento ng psychological thriller mula sa simpleng kumustuhan at kuwentuhan lang sa umpisa. Tututukan mo talaga ang bawat bitaw ng salita nina Romnick at Elijah habang nagde-develop ang istorya.
Nakabibilib na nakagawa sila ng ganito kagandang pelikula sa gitna pandemya. Bongga talaga!
Kaya naman pala nanalo ang "About Us But Not About Us" ng Critics' Picks Best Film sa Tallinn Black Nights Film Festival 2022, isa sa pinakamalaking A-list film festivals sa Europe. Umani rin ito ng mga papuri sa mga sinalihan nitong international filmfests na kinabibilangan ng 43rd Fantasporto sa Portugal, at 30th Queer Screen Mardi Gras Film Festival sa Sydney.
Produced by The IdeaFirst Company, Octobertrain Films, and Quantum Films, ang "About Us But Not About Us" ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa Abril 8 bilang bahagi ng kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival.
Comments
Post a Comment