Sam Verzosa inaalay sa yumaong ama ang show niyang 'Dear SV' na tutulong sa mga Pinoy
ni GLEN P. SIBONGA
Inaalay ng Frontrow International CEO at Tutok To Win Partylist Representative na si Sam "SV" Verzosa Jr. sa kanyang mahal na ama na yumao kamakailan lang ang bagong public service show niya sa CNN Philippines, ang "Dear SV."
"I'm just so proud na kahit wala na yung Papa ko natuloy po yung programa. Alam niyo po, konting trivia. Dati pinag-uusapan namin kung ano ang magiging title ng programa, kasi wala pa itong title dati.
"Pero noong January 5 onwards naospital po yung Papa ko. So, pagpunta ko sa ospital doon pumasok sa isip ko na lahat ng ginagawa ko, lahat ng ako, galing po sa Papa ko. Siya po yung nagturo sa akin na huwag makalimot magbigay, tumulong. 'Kung ano man ang meron ka maliit o malaki huwag kang makakalimot anak na magbigay.'
"Kaya naalala ko, sabi ko, ipangalan namin yung show na 'Dear SV.' Kasi siya po yung original na SV, siya po yung Samuel Verzosa talaga, junior lang po ako.
"So, ito pong programa na ito ay tribute para sa kanya. Nandito po ako sa kalagayan ko ngayon dahil sa kanya at sa aking mga magulang. Kaya, 'Pa, kung nasaan ka man, this is for you. I love you, Pa!" pahayag ni Sam sa media launch ng "Dear SV" sa Luxent Hotel nitong Pebrero 14.
Magkahalong emosyon nga ang naramdaman ni Sam sa pagharap niya sa media at press people.
Aniya, "Noong Linggo lang po siya inilibing kaya today mixed emotions po tayo. Malungkot dahil wala na ang Papa ko para masaksihan sana ito. Pero masaya na kinakabahan dahil mayroon tayong bagong programa na pwedeng bumago sa buhay ng maraming tao.
"Ito pong 'Dear SV' ay isang public service na programa na layuning tumulong sa mga kababayan nating nagsusumikap at naghihirap at may mga pinagdadaanan. Para po sa akin napapanahon ang ganitong programa lalo na kakatapos lang po ng pandemya. Maraming gustong magkatrabaho, nagre-recover mula sa pinagdaanan nilang hirap noong pandemya.
"Ito pong makikita niyo ay mga istorya ng mga totoong tao, istorya ng bawat Pilipino from 80 plus years old na lola na nagtatrabaho pa rin, nagpapadyak ng side car. Mula doon papunta sa mga minors, mga batang nasa 10, 11 years old na nagbebenta na sa mga jeep. Single mothers na may sakit ang mga anak na nagsusumikap para maipagamot sila. Sa mga OFWs po, mga bayani natin na talagang marami ring pinagdadaanan. Mga PWD (person with disability), mga kababayan natin na nagtatrabaho kahit may kapansanan at nagsusumikap pa rin. Itong show na ito ay para po sa lahat ng iyon, anuman ang estado mo, background mo."
Ipinagmamalaki rin ni Sam na sa "Dear SV" ay hindi lang sila tutulong na magbibigay lang ng isang beses kundi pangmatagalang tulong para sa mga kababayan nating mahihirap na nagsisikap.
"Napakasarap pong tulungan yung mga taong gusto pong tulungan ang mga sarili nila. Ito po ang concept ng 'Dear SV,' magbigay ng sustainable na tulong, hindi lang po yung isang beses na pagbibigay kundi sustainable po, pangmatagalan, pangmahabaan.
"Magbigay ng sustainable livelihood... edukasyon o scholarship hanggang makatapos sila at mabigyan ng allowance buwan-buwan para pag-graduate nila makatulong sa mga magulang nila. O kaya magbigay ng trabaho sa mga naghahanap ng trabaho para matulungan ang nga pamilya nila.
"Ito po ang konsepto ng 'Dear SV.' Kaya nung ipinakita nila sa akin yung konsepto ay talagang na-excite ako kasi ito na po talaga yung ginagawa namin more than 10 years na po sa Frontrow Cares, sa Tutok To Win sa programa po namin sa telebisyon kung saan tumatawag kami at nagbibigay po ng financial assistance. Ito na po yung ginagawa natin kaya ito pong programa na ito ay para maipagpatuloy pa yung ginagawa natin."
Mapapanood ang "Dear SV" simula sa Pebrero 18, 7:30pm, sa CNN Philippines.
Comments
Post a Comment