Arjo Atayde nagpasalamat sa mga kasamahan sa Kamara sa pagpasa sa Eddie Garcia Bill
ni GLEN P. SIBONGA
Nagpapasalamat si Quezon City District 1 Representative Arjo Atayde sa mga kapwa niya congressmen at kasamahan sa Kamara de Representantes sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Eddie Garcia Bill na naglalayong proteksyunan ang mga manggagawa sa entertainment industry.
“Nagpapasalamat ako sa aking mga kasama sa Kamara sa pagpasa ng Eddie Garcia bill. Bilang kasapi ng movie and TV industry, alam kong malaki ang maitutulong nito sa pagprotekta sa kapakanan ng mga nasa industriya,” sabi ni Arjo.
Inaprubahan ng Kamara ang House Bill 1270 o Eddie Garcia Act sa sesyon ng plenaryo. Walang tumutol sa pag-apruba sa panukala na nakatanggap ng 240 pabor na boto.
Ang panukala ay isinunod sa pangalan ng beterano at award-winning actor na si Eddie Garcia na namatay noong 2019 matapos ang isang aksidente habang nasa taping ng isang teleserye.
Isa si Arjo sa mga may-akda ng naturang panukala na may layuning matiyak na mapoproteksyunan ang mga manggagawa sa entertainment industry laban sa panganib, pang-aabuso, at harassment.
Sa ilalim ng panukala, kailangan ay mayroong kontrata sa pagitan ng employer at independent contractor bago magsimula ang proyektong gagawin. Nakasaad dito ang oras at ang gagawing serbisyo.
Ang bayad ay hindi maaaring mas mababa sa minimum wage at dapat ay mayroong benepisyo mula sa Social Security System, Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corp.
Dapat sumunod sa batas kung kukuha ng mga minor de edad sa gagawing pelikula o palabas.
Inaatasan ng panukala ang mga employer na tiyakin ang pagsunod sa occupational safety and health standards, pangalagaan ang mental health, at pigilan ang sexual harassment sa lugar ng trabaho.
Itatayo rin sa ilalim ng panukala ang Film, Television, and Radio Entertainment Industry Tripartite Council na siyang gagawa ng polisiya para sa industriya.
Ayon kay Arjo, na tumatayong vice chairman ng House Creative Industry and Performing Arts committee, napapanahon ang panukalang ito lalo na ngayong nakaka-recover na rin ang entertainment industry, na isa sa mga sektor na matinding naapektuhan ng pandemya.
Dagdag pa ng actor-politician, dapat matuto na tayo sa aral na iniwan ng pagkamatay ni Manoy Eddie.
“We cannot go back to the old ways of doing things, where industry workers face precarious conditions with the barest of protection from the government. We have to learn from the lessons of Manoy Eddie’s death and that of others who have suffered,” ani Arjo.
Umaasa rin si Arjo na papasa rin sa Senado ang Eddie Garcia Bill upang tuluyan na itong maging isang batas.
“Naniniwala tayong batid ng ating mga Senador ang pangangailangan na maisabatas ang Eddie Garcia Bill sa lalong madaling panahon,” sabi pa ni Arjo.
Naging malapit sa puso ni Arjo si Manoy Eddie matapos nilang magkatrabaho at gumanap na mag-lolo sa dating Kapamilya teleseryeng "FPJ's Ang Probinsyano" kung saan naging kontrabida sila ng bidang si Coco Martin.
Comments
Post a Comment